Republic Act No. 8750 Seat Belts Use Act of 1999
Paksa: Seat Belts Use Act
Pamagat: Mag-buckle up, hindi ganoon kahirap
Marami sa atin ang nakasanayan nang balewalain ang simpleng pag-button ng seatbelt, lalo na kung maikli lang ang biyahe o kung sa tingin natin ay hindi naman tayo masisita. Subalit alam mo ba na ang paggamit ng seatbelt ay hindi lang para makaiwas sa multa, kundi para protektahan ang iyong buhay at ang buhay ng iyong mga kasama sa sasakyan?
Ito ang dahilan kung bakit naipatupad ang Republic Act 8750, o ang Seat Belts Use Act of 1999, isang batas na naglalayong gawing mandatoryo ang paggamit ng seatbelt para sa kaligtasan ng lahat ng motorista at pasahero.
Ano ang nakapaloob sa RA 8750?
Narito ang mahahalagang probisyon ng batas na dapat mong malaman:
Para sa Pribado at Pampublikong Sasakyan: Lahat ng driver at front-seat passenger ay obligado na magsuot ng seatbelt habang umaandar ang sasakyan sa anumang kalsada.
Para sa mga Pasahero sa Likod: Sa mga pribadong sasakyan, kailangan ding magsuot ng seatbelt ang mga pasahero sa likod, basta't mayroon itong seatbelt device. Huwag magkakamaling isipin na ang driver at nasa unahan lang ang may obligasyon .Pare-parehong mahalaga ang kaligtasan ng lahat.
Bawal ang Bata sa Harap: Ayon sa batas, ipinagbabawal ang pag-upo sa front passenger seat ng mga batang anim (6) na taong gulang pababa.
Obligasyon ng Driver ng Pampublikong Sasakyan: Tungkulin ng driver na paalalahanan ang mga front-seat passenger na magsuot ng seatbelt. Kung may pasaherong tatanggi, hindi siya papayagang sumakay o ipagpatuloy ang biyahe
Bakit Maraming Nagkakamali?
Minsan, ang kamangmangan sa batas ay nagiging sanhi ng kapahamakan. Marami pa rin ang naniniwala na ang seatbelt ay para lang sa driver, o kung maikli lang ang biyahe ay hindi na kailangan. Ang hindi pagsusuot ng seatbelt ay may karampatang multa. Para sa mga private motorists, narito ang parusa sa ilalim ng Joint Administrative Order No. 2014-01:
•Unang Paglabag: ₱1,000 multa
•Ikalawang Paglabag: ₱2,000 multa
•Ikatlong Paglabag at Kasunod: ₱5,000 multa at isang linggong suspensiyon ng lisensya.
Higit Pa sa Batas Ang Kaligtasan ang Mahalaga Oo, may parusa, pero higit pa rito, ang paggamit ng seatbelt ay isang responsibilidad para sa kaligtasan. Sa panahon ng aksidente, ang seatbelt ay nagsisilbing proteksyon laban sa malubhang pinsala at kamatayan. Ito ang magpapanatili sa iyo sa iyong upuan, at pipigil sa iyong bumangga sa dashboard, windshield, o lumipad palabas ng sasakyan.
Kaya sa susunod na sasakay ka sa sasakyan, ugaliin ang mag-seatbelt hindi dahil may batas, kundi dahil mahalaga ang buhay mo.
Comments
Post a Comment